Manila, Philippines – Inilabas na ng Commission on Elections (COMELEC) ang panuntunan sa pagkuha ng exemption para sa election gun ban.
Ang aplikasyon at requirement para sa pagkuha ng Certificate of Authority para sa gun ban exemption ay maaring isumite sa Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP) sa Comelec main office sa Palacio Del Gobernador mula December 1, 2018 hanggang May 29, 2019.
Paiiralin ang gun ban mula January 13, 2019 hanggang June 12, 2019.
Sa panahon ng gun ban, bawal ang pagdadala o pagbyahe ng baril o anumang deadly weapon sa loob ng nasabing panahon.
Suspindido rin sa nasabing panahon ang mga permit to carry firearm outside residence.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga lalabag sa gun ban ay papatawan ng parusang hanggang anim na taong pagkabilanggo.
Para sa mga law enforcement agency kabilang na ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at National Bureau of Investigation, kinakailangan pa rin silang mag-aplay ng issuance of authority para makapagbitbit ng service firearm.