Manila, Philippines – Inilatag ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang kanilang panukalang batas na dagdag na P320 sa national minimum wage.
Nakapaloob sa inihaing house bill 7805 o “the living wage act of 2018” ng ALU-TUCP ang mga dahilan kung bakit napapanahon nang itaas muli ang sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay TUCP Assistant Secretary General Vicente Camilon Jr, kailangan ng umento para makaagapay ang mga manggagawa sa pagmahal ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, makakatulong din ang umento sa sahod para maibsan ang inaasahang taas-singil sa tubig, kuryente, at pamasahe.
Dapat rin aniyang maibalik sa mga manggagawa ang binabawas sa mandatory deductions tulad ng PhilHealth, SSS, at PAG-IBIG.
Pero giit ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP, ang mga small and medium enterprises o maliliit na negosyante ang matatamaan kapag itinaas pa ang minimum wage at magresulta ng pagkalugi ng maraming industriya.
Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, magkakaroon ng pagtaas sa sahod pero hindi kasing-taas ng hinihingi ng manggagawa.