Manila, Philippines – Tinukoy ng Korte Suprema ang pamamaraan para maiwasan ang pag-abuso sa pagpapatupad ng batas militar.
Inilatag ito ng Supreme Court kasunod ng kanilang pagbasura sa apat na petisyon kontra Martial Law Extension.
Ayon sa Korte Suprema, ang mga safeguard ay nakapaloob sa Article VII, Section 18 na siya ring batayan ng pagdedeklara ng batas militar.
Kabilang din anila dito ang Republic Act 7438 o An Act Defining Certain Rights of Person Arrested, Detained, or Under Custodial Investigation; Republic Act 9372 o Human Security Act of 2007; Republic Act 9745 o Anti-Torture Law, Writs Of Amparo at Habeas Data, at ang Universal Declaration of Human Rights.
Iginiit din ng Kataas-Taasang Hukuman na malinaw na ipinauubaya ng Saligang Batas sa Kongreso ang pagpapasya sa usapin ng pagpapalawig at kung hanggang kailan tatagal ang extension ng martial law.