Inanunsiyo ni Transportation Secretary Arthur Tugade na isang buwang libre sa publiko ang pagsakay sa inilunsad na ‘water jeepneys’ mula Cavite hanggang Maynila at pabalik.
Nabatid kasi na pumayag ang dalawang shipping company na Seaborne Shipping Company Inc. at Shogun Ships Co. Inc. Na ilibre ito sa mga mananakay sa pagsisimula ng operasyon.
Bilang pamaskong handog ng DOTr, Marina, PCG, PPA at Lokal na Pamahalaan ng Cavite, magsisimula ang libreng sakay bukas, ika-9 ng Disyembre 2019 hanggang ika-9 ng Enero sa susunod na taon.
Sa pamamagitan ng water jeepneys, ang kasalukuyang tatlo hanggang apat na oras na biyahe mula Maynila hanggang Cavite at pabalik ay magiging 15-20 minuto na lang.
Dahil dito, umaasa ang DOTr na mababawasan kahit papaano ang nararanasang hirap ng mga commuters sa kanilang biyahe kung saan mababawasan na din daw sana ang pagsikip ng daloy ng trapiko.