Manila, Philippines – Sinampahan ng reklamo ng may-ari ng MMML Recruitment Services Incorporated si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Ayon kay Amanda Lalic-Araneta, binigyan niya ng P100,000 at mamahaling cellphone si Bello na tinanggap naman ng kalihim noong pasko ng 2016.
Matapos ang ilang buwan, binigyan naman aniya niya ng P100,000 at mamahaling pabango ang kalihim bilang regalo sa kaniyang kaarawan.
Pero hindi na ito tinanggap ni Bello dahil umano ay nababalitaang may anomalya na ang departamento niya.
Ilang buwan naman bago makansela ang kaniyang lisensya, sinubukan raw siyang hingan ng milyong halaga ni Dr. Jesus Cruz ng international labor attache bureau.
Giit ni Araneta, hindi siya sumang-ayon sa hinihingi ng kampo ni Bello kaya raw sinuspende ang lisensiya niya noong Pebrero.
Nanghingi naman ulit umano ang kampo ni Bello ng P500,000 para maaprubahan ang kanyang lisensiya.
Dati nang sinabi ni Bello na pinaiimbestigahan niya ang ahensiya ni Araneta dahil sa pagpapadala nito ng mga menor de edad sa ibang bansa para magtrabaho.
Pero sa initial report ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), hinahanap pa rin nila kung may na-deploy na menor de edad sa ahensiya.