Manila, Philippines – Inirekomenda ni Akbayan Rep. Tom Villarin na depensahan na lamang ng AFP ang bansa sa halip na magpalutang ng mga hindi totoong destabilization plot laban sa Pangulo.
Ayon kay Villarin, mukhang minumulto ng planong pagtatalsik ang gobyerno kasabay ng paggunita ng Undas.
Aniya, sa halip na multo ng RED October at WHITE December ang atupagin ay mas dapat na bigyang pansin ng militar kung paano dedepensahan ang soberenya ng bansa laban sa panghihimasok ng China.
Iginiit nito na hindi tulad sa destabilisasyon, ang panghihimasok ng China sa bansa ay totoo at hindi likha ng imahinasyon.
Samantala, sinabi naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo na sa sobrang gulo ng kwento ng militar kaugnay sa sinasabing pagpapatalsik sa Pangulo, pati ang AFP ay nalilito na rin sa paghahabi ng kwento.
Naging black eye na rin aniya ito sa military intelligence community at nasasayang lamang ang bilyun-bilyong pondo na inilalaan sa intel funds ng AFP.