Manila, Philippines – Inirekomenda ni Ako Bicol Party list Representative Rodel Batocabe na hikayatin ni Pangulong Duterte na lumipat ang mga jueteng lords sa Small Town Lottery o STL.
Ang suhestyon ay kasunod na rin ng pahayag ng Pangulo na maaaring lumala ang problema sa iligal na droga kung tatanggalin ang jueteng sa bansa.
Ayon naman kay Batocabe, makabubuting palipatin na lamang ang mga jueteng lords sa STL upang mapalitan na rin ang mga STL operators na hindi nagdadala ng kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa jueteng aniya ay walang kita ang pamahalaan bagkus ay nakakatanggap pa ng payola ang mga pulis at mga pulitiko mula sa mga jueteng lords.
Inihalimbawa pa ng kongresista noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada na nagkagulo ang bansa dahil sa jueteng.
Sakali namang ang jueteng lord ay magiging STL operator dapat ay maabot nila ang target na kita na itatakda ng gobyerno.