Manila, Philippines – Inirekomenda ni Akbayan Rep. Tom Villarin ang revamp sa economic team ni Pangulong Duterte.
Ito ay kasunod na rin ng mabagal na paglago ng ekonomiya ng bansa sa 6% ngayong second quarter ng 2018 kumpara sa kaparehong quarter noong 2017 na nasa 6.7%.
Giit ni Villarin, patunay na ang pagbagsak ng ekonomiya ay may kinalaman sa palpak na ipinapatupad ng mga economic managers ng Duterte administration.
Dapat na aniyang palitan ang mga ito dahil sila ang accountable sa mga inilatag na polisiya sa ekonomiya na siyang nakakaapekto ngayon lalo na sa mga mahihirap.
Kabilang na umano dito ang TRAIN Law at ang cash based budgeting na siyang nagpapabagal sa mga ipinapatupad na proyekto.
Samantala, hinimok naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat ang pamahalaan na umaksyon na at pag-aralan ang iba pang mga paraan para mai-angat ang ekonomiya ng bansa at matigil na ang pagtaas ng inflation.