Sumagot na ang isang kolehiyong inirereklamo sa bayan ng Malasiqui sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y kuwestyonableng bayarin, matapos lumabas ang ulat ng ilang estudyanteng dumulog sa IFM Dagupan upang isapubliko ang kanilang hinaing.
Sa ipinadalang mensahe ng pamunuan ng Malasiqui Agno Valley College (MAVC), iginiit nilang may isinasagawang orientation tuwing simula ng klase upang ipaliwanag ang iba’t ibang programa at kaukulang bayarin sa kolehiyo.
Ayon pa sa pamunuan, bukas silang makipag-usap sa mga estudyanteng may agam-agam. Handa umano silang sagutin ang mga katanungan ng mga estudyante anumang oras sa pamamagitan ng personal na pagpunta sa opisina ng Presidente, o sa pamamagitan ng personal na Facebook account ng Presidente ng MAVC na si Mr. Jevie De Guzman.
Nanawagan din ang paaralan na iwasan ang paggamit ng dummy accounts sa paglapit sa kanila.
Giit ng pamunuan, palagi umano nilang sinasagot ang mga reklamo ng estudyante, maliban na lamang kung ito’y itinuturing nilang walang saysay. Dagdag pa nila, hindi na rin nila muling sinasagot ang mga isyung tinalakay na sa mga meeting, dahil posibleng hindi umano pinakinggan ng ilang estudyante.
Matatandaang kamakailan, ilang estudyante ang lumapit sa IFM Dagupan upang ilahad ang umano’y kakulangan ng transparency sa pagdedetalye ng mga bayarin sa paaralan.
Sa ngayon, sinusubukan pa naming kunan ng pahayag ang pamunuan ng Commission on Higher Education (CHED) hinggil sa isyung ito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









