Inirereklamong pulis dahil sa paglabag sa karapatang pantao, umakyat na sa 56 sa unang quarter ng taon

Manila, Philippines – Pumapalo na agad sa 56 ang bilang ng mga pulis na inireklamo dahil sa paglabag sa karapatang pantao.

 

Ito ay batay sa datos ng PNP mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan.

 

Mahigit kalahati ang bilang na ito kumpara sa 105 na pulis noong buong taon ng 2016 na nasangkot din sa human rights violations.

 

Ayon kay PNP HRAO o human Rights Affairs Office Director Chief Supt Dennis Siervo, homicide at illegal arrest ang mga kasong kinakaharap ng 56 na pulis na inireklamo ng paglabag sa karapatang pantao.

 

Pero hindi pa aniya sila sigurado kung may kaugnayan sa iligal na droga ang nasabing mga kaso kahit pa nangyari ang mga ito sa kasagsagan ng war on drugs ng PNP.

 

Sinabi ni Siervo na imumungkahi na nila sa CHR o Commission On Human Rights ang reklamo sa 56 na pulis na may human rights violations para masampahan ng kaso.

 

At para hindi na dumami pa ang mga pulis na irereklamo ng human rights violations, mag-iikot ang mga tauhan ng PNP HRAO sa mga rehiyon para ipaalala ang police procedures sa mga alagad ng batas.



Facebook Comments