INIREREKLAMONG ULINGAN SA LANDAS, MANGALDAN NA DAHILAN UMANO NG MADALAS NA PAGKAKASAKIT NG MGA BATA, ININSPEKSYON

Ininspeksiyon ang mga ulingan sa Purok 7, Barangay Landas sa Mangaldan kasunod ng mga reklamo ng ilang residente kaugnay ng umano’y masamang epekto nito sa kalusugan, partikular sa mga batang nakatira malapit sa lugar.

Nagsimula ang hakbang matapos mamagitan ang lokal na pamahalaan sa iringan ng magkakamag-anak na sangkot sa reklamo laban sa isang ulingan, sa isinagawang dayalogo noong Enero 20.

Ipinahayag ng nagrereklamo ang pangamba na ang usok na nagmumula umano sa ulingan ang sanhi ng madalas na pagkakasakit ng kanyang mga anak.

Sa kabilang banda, iginiit ng may-ari ng ulingan na nailipat na umano ang pasilidad sa mas malayong lugar, bagama’t patuloy pa rin ang mga reklamong inihahain laban dito.

Bilang pagtalima sa direktiba ng lokal na pamahalaan, nagsagawa ng ocular inspection ang iba’t-ibang ahensya upang aktuwal na suriin ang dating itinuturong lokasyon ng ulingan.

Layunin ng inspeksyon na matukoy kung ang kasalukuyang kinalalagyan ng ulingan ay naaayon sa mga alituntunin at regulasyon ng Department of Environment and Natural Resources.

Isinabay na rin sa naturang inspeksyon ang pagbisita at pagsusuri sa iba pang ulingan sa parehong purok upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa mga pamantayan sa kalusugan at pangangalaga sa kapaligiran.

Inaasahan ang pagsasagawa ng mga susunod pang pagpupulong at ang pag-endorso ng usapin sa iba pang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan upang tuluyang maresolba ang suliranin at maprotektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente ng Barangay Landas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments