Posibleng makapaglabas na ng inisyal na listahan ng mga sasabak sa senatorial race sa 2025 midterm elections ang mga alyansa sa ilalim ng partido ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ambush interview sinabi ni Surigao del Sur Representative Ace Barbers, na sa ngayon ay hindi pa sila makapaglabas ng listahan dahil pag-uusapan pa nila ito sa loob ng alyansa.
Pero ayon kay Barbers, may tatlo na silang isasabak sa ilalim ng Nacionalista Party, ito ay sina Senador Imee Marcos, Senador Pia Cayetano, at si Deputy Speaker Congresswoman Camille Villar.
Sa panig naman ng Partido Federal ng Pilipinas, sinabi ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo na wala pa silang maipresintang listahan hanggat hindi pa nakukumpleto ang pakikipag-alyansa ni Pangulong Marcos sa iba pang partidong pulitikal.
Tiniyak naman ni Tamayo na bago ang filing of certificate of candidacy sa Oktubre ay mayroon na silang mabubuong listahan ng mga pangalang isasabak sa pagkasenador sa 2025.