Initial report ng NBI sa pagkamatay ng mga high-profile inmates ng Bilibid, isinumite na sa DOJ

Nasa kamay na ng Department of Justice ang mga kopya ng death certificates ng mga high-profile inmates ng Bureau of Corrections na kasama sa listahan ng mga nasawing Persons Deprived of Liberty (PDLs) dahil sa COVID-19.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, naisumite na sa kanila ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang mga dokumento at inaasahang magsusumite ito ng progress report ngayong linggo.

Ikinatuwa rin ng Kalihim ang desisyon ni Senator Richard Gordon na hintayin na muna ang resulta ng imbestigasyon ng NBI sa pagkamatay ng mga PDLs ng Bilibid bago magsagawa ng imbestigasyon sa Senado.


Sa ngayon, ang kumpirmadong PDLs na sinasabing kasama sa mga nasawi sa COVID sa Bilibid ay ang high-profile inmate na si Jaybee Sebastian.

Samantala, bagamat kinumpirma rin ni Justice Spokesman Undersecretary Markk Perete na kasama sa siyam na high-profile PDLs na nasawi sa Bilibid ang mga pangalang Amin Buratong, Francis Co, Jimmy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Eugene Chua at Ryan Ong, ipinauubaya na nila sa NBI ang pagtukoy sa tunay na sanhi ng kamatayan ng mga naturang PDLs.

Facebook Comments