INIUTOS | Hindi pagpapasakay ng gwardiya sa babaeng may pilay sa kamay sa priority car ng tren, pinaiimbestigahan

Iniutos na ng management ng Metro Rail Transit Line-3 na alamin ang katotohanan sa inireklamo online ng isang concerned citizen dahil sa pagka-awa sa sinapit ng isang matandang babaeng pasahero.

Nauna rito, isang ginang na pilay ang kamay at tinanggihan umanong pasakayin sa ‘priority car’ ng MRT-3 sa kabila ng pakiusap nito sa sekyu.

Ito ay nangyari sa MRT-GMA Kamuning Station kung saan nakikiusap umano ang matandang pasahero na siya ay mabigyan ng prayoridad dahil maga ang kanyang kamay.


Sa halip na bigyang konsiderasyon ay hinanapan pa raw ng duty security guard ng kung anu-anong dokumento ang ginang gaya ng medical card na magpapatunay ng kanyang kondisyon.

Dahil sa labis na pagkadismaya, humantong pa sa puntong naging ‘hysterical’ ang matanda at saka lang siya pinalipat ng bagon ng tren na nakalaan lamang para sa mga babae, matatanda at batang commuters.

Samantala sa isa namang inilabas na statement ng MRT-3 management, bahagi anila ng kanilang polisiya ang presentasyon ng PWD o senior citizen ID bago makagamit ng ‘priority lane’ ng pasilidad at bago rin makasakay sa ‘priority car’ ng tren.

Subalit sa mga pagkakataon na ‘obvious’ o agad na batid ang sitwasyon o kondisyon ng isang pasahero, ang mga sekyu ay hindi na kailangan pang hanapan sila ng nabanggit na rekisito.

Facebook Comments