Manila, Philippines – Ipinag-utos ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagtatayo ng House Committee on Disaster Management.
Sabi ni Arroyo, kailangang magkaroon ng komite sa Kamara na tututok sa disaster management dahil sa madalas na pagtama ng kalamidad sa bansa.
Madadagdag ang bubuoing komite sa kasalukuyang 72 standing at special committees sa Kamara.
Ginawa ni Arroyo ang kautusan sa gitna ng briefing ng NDRRMC na ipinatawag ng House Speaker.
Samantala, iniulat ni NDDRMC Executive Director Ricardo Jalad na umabot sa 13 ang nasawi at isa ang nawawala sa nakalipas na bagyo at habagat mula sa pitong rehiyon.
Umabot naman anya sa P3.6 billion halaga ang iniwang pinsala nito kung saan P1.9 billion ang iniwang pinsala sa agrikultura at P1.6 billion naman sa imprastraktura.
Sa ngayon, ayon kay Jalad mayroon pang labing isang kalye ang hindi madaanan dahil sa pagguho ng lupa at pagbaha.