Lumobo pa sa 150 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine sa bansa.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 14 pa lamang sa napaulat na casualties ang validated.
Naitala rin ang 115 na sugatan at 29 ang nawawala.
Samantala, higit 1.8 milyon pamilya o katumbas ng mahigit 7.4 milyon indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 10,921 na mga barangay sa Region 1 (Ilocos Region) Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon) CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 (Bicol) Region 6 (Western Visayas) Region 7 (Central Visayas) Region 8 (Eastern Visayas) Region 9 (Zamboanga Peninsula) Region 10 (Northern Mindanao) Region 11 (Davao Region) Region 12 (SOCCSKSARGEN) CARAGA, BARMM, CAR at NCR.
Sa nasabing bilang mahigit 330,000 indibidwal pa rin ang pansamantalang nanunuluyan sa 2,081 evacuation centers sa bansa.
Sa ngayon, tumaas pa sa 211 na syudad at munisipalidad ang nasa ilalim ng State of Calamity.
Kaugnay nito, nasa ₱900 milyon na ang halaga ng tulong na naipagkakaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng family food packs, damit, gamot at maraming iba pa.