
Umakyat pa sa 40 katao ang naitalang nasawi bunsod ng epekto ng habagat at magkakasunod na bagyong Crising, Dante, at Emong.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa nasabing bilang 37 ang for validation pa habang 3 naman ang kumpirmadong nasawi dahil sa sama ng panahon.
Samantala, nakapagtala din ng 33 nasaktan at 8 pa ang nawawala.
Sa ngayon, nasa 2.3 milyong pamilya o katumbas ng mahigit sa 8.6 milyong indibidwal ang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon mula sa 8,673 barangays sa 17 rehiyon sa bansa.
Marami pa rin o nasa mahigit 86,000 katao ang patuloy na nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation center sa bansa.
Kaugnay nito, nasa mahigit 1 bilyon pisong halaga ng ayuda ang napagkaloob na ng pamahalaan sa mga naapektuhang residente.









