
CAUAYAN CITY – Tinatayang aabot sa higit P2,000,000 ang iniwang pinsala ng sunog sa
Ballesteros, Cagayan kung saan isang bahay, sasakyan at iba pang ari-arian ng isang mag-anak ang natupok ng apoy, habang nasa mahigit P300,000 cash naman ang naabo.
Sa ulat ng Ballesteros Fire Station, nakarinig umano ng ingay ang asawa ni Ginoong Oliver Agustin kung kaya’t ginising siya nito upang tignan ang ingay subalit tumambad sa kanila ang nasusunog na 10-wheeler truck.
Sinubukan pa umano nila itong apulahin habang paparating ang mga bumbero subalit lalo pang nagliyab ang apoy dahilan upang madamay ang katabi nitong pick-up truck, dalawang motor, at kanilang bahay.
Sa kasamaang palad, naging mabilis umano ang pagkalat ng apoy kaya naman wala nailigtas na gamit ang pamilya.
Samantala, wala namang nasawi o nasugatan sa nasabing insidente, at wala ring ibang kabahayan o gusali ang nadamay.