Sumipa na sa ₱1.04 billion ang pinsala sa agri-fisheries sector dahil sa epekto ng pananalasa ni Bagyong Ambo.
Ito ay mula sa naunang naitala na na ₱185.83 million na pinsala sa agrikultura.
Sa ulat ng Department of Agriculture (DA), aabot sa 62,228 metric tons ang nasirang produksyon.
Nasa 20,652 ektarya ng agricultural areas ang nasalanta habang 21,655 mga magsasaka at mangingisda ang apektado sa Central Luzon, CALABARZON, Bicol at Eastern Visayas Regions.
73% o ₱755.57 million ng kabuuang pinsala ay nagmula sa high-value crops, kung saan 87% o ₱602.06 million ay mga panananim na saging at papaya sa Quezon Province.
Kabilang sa nasira ay mga palay, mais, iba’t ibang klase ng gulay at prutas, mga alagaing hayop at pangisdaan at iba pang pasilidad at kagamitan.
Bago pa ang aktuwal na pagtama ng bagyo, may 93,507 ektarya ng palay at 76,474 ektarya ng mais ang nagawa pang ma-harvest sa CAR, Regions 1, 2, 3, 4-A, 5, 6, 7 at 8.