Inmates sa NBP, tuturuan mag-propagate at magproseso ng mga dahon ng malunggay

Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Bureau of Corrections (BuCor) at ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA).

Kaugnay ito ng gagawing malunggay plantation sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City kung saan magkakaroon ng partisipasyon ang inmates ng NBP.

Ayon kay BuCor Spokesman Gabriel Chaclag, ang mga malunggay na iha-harvest sa nasabing plantation ay gagawing powder at magkakaroon sila ng mga kagamitan sa pagproseso ng essential oil ng malunggay.


Partikular aniyang magsasanay sa Persons Deprived of Liberty (PDLs) ang technical working group ng BPI.

Nilinaw rin ni Chaclag na bagama’t maraming mga bansa na ang nag-aabang sa kanilang malunggay products, prayoridad pa rin aniya ang Pilipinas sa pagsusuplayan nito.

Sinabi pa ni Chaclag na bukod sa makakatulong ito para magkaroon ng kita ang mga inmate sa NBP, mababawasan aniya ang sentensya ng mga bilanggong lalahok sa proyekto.

Awtomatiko aniya kasing papasok ito sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng mga inmate at mababawasan ang kanilang sentensya.

Maaari rin aniyang magamit ng mga preso sa kanilang paglaya ang skills na matututunan nila sa nasabing proyekto.

Facebook Comments