
Manila, Philippines – Inoobliga ni ACTS OFW Partylist Rep. John Bertiz ang lahat ng mga bangko sa bansa na ipaskil ang singil sa remittance.
Inaatasan ni Bertiz ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na obligahin ang mga bangko sa bansa na i-display o i-post sa mga websites ang mga international remittance prices.
Sa katunayan aniya ang ibang mga fees at charges na ipinapataw ng mga bangko ay isinasapubliko na rin kaya walang ibang dahilan para hindi rin ito gawin sa remittance prices.
Isinusulong din ng ACTS-OFW ang pagpapababa sa singil sa bank remittance para mabawasan ang laki sa singil sa pagpapadala ng pera lalo na ng mga OFWs sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Batay sa World Bank’s Remittance Prices Worldwide, ang bangko ang pinakamahal na remittance service provider na may average cost na 10.51% sa halagang ipapadala.
Sa tala naman ng World Bank, aabot sa 85% ang perang nakukuha ng mga bangko mula sa ipinapadalang pera ng mga OFWs.
Ngayon lamang Enero hanggang Setyembre ng 2019 ay umabot sa $21.29 Billion ang ipinadalang pera sa bangko ng mga OFWs, mas mataas kumpara sa kaparehong buwan noong 2017 na nasa $20.78 Billion.









