Inputs ng iba’t ibang sektor sa bagong pre-departure guidelines, ipinakukunsidera ng isang senador

Ipinakukunsidera ni Senator Risa Hontiveros sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang iba’t ibang mga inputs ng mga mambabatas, legal experts at mga byahero tungkol sa revised pre-departure guidelines para sa mga Pilipinong babyahe sa abroad.

Hirit ni Hontiveros, kailangang mapag-aralang mabuti kung paano maipapatupad ng maayos at praktikal ang mga kwestyonableng requirements.

Apela ng senadora, hindi dapat magbulag-bulagan ang IACAT dahil ang ilang requirements ay posibleng maging sanhi pa ng delay at maging lantad pa sa pananamantala ng mga tiwaling immigration officers.


Hindi rin aniya malayong ito pa ang makadiskaril sa efforts ng gobyerno laban sa human-trafficking.

Duda si Hontiveros na hindi matutupad ang “45 second” processing time na ipinangako ng Bureau of Immigration (BI) kung hindi maitutuwid ang problema sa requirements.

Mababalewala rin aniya ang 163 percent na itinaas sa alokasyon ng budget ng BI kung ang mga depektibo o palpak na alituntunin ay hahayaan sa immigration process na mapuno ng delay at mga reklamo mula sa mga agrabyadong byahero.

Hinimok ng mambabatas ang IACAT na bago magpatupad ng bagong international travel guidelines ay i-integrate o isama rin ang naging findings at rekomendasyon sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa delays at inefficiencies ng paliparan gayundin ang ginawang pagsisiyasat hinggil sa human trafficking.

Facebook Comments