Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng La Union ang Provincial Ordinance No. 515-2026, na nagsasabatas sa Green Tourism Enterprises Program (GTEP), bilang insentibo sa mga maka-kalikasang negosyo.
Layunin ng programa na kilalanin at bigyan ng insentibo ang mga tourism enterprise na sumusunod sa pamantayan ng kalusugan, kaligtasan, at pangangalaga sa kapaligiran. Sentro rin nito ang paggawad ng “Bougainvillea Seal of Compliance” sa mga establisyimentong may mahusay na pamamahala at eco-friendly practices.
Itinatag din ang GTEP-Provincial Search Committee para magsagawa ng validation at ocular inspection sa mga kalahok bago ang taunang paggawad tuwing Setyembre, kasabay ng World Tourism Month.
May nakalaang pondo na ₱3.5 milyon para sa operasyon at insentibo ng programa na popondohan mula sa General fund ng lalawigan.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, ang hakbang na ito ay pagpapakita ng kanilang sama-samang paninindigan na palakasin ang turismo sa La Union habang pinapangalagaan ang kalikasan at kalusugan ng publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










