Pinabibigyan ng insentibo ng Kamara ang mga gumagamit ng bisikleta sa pagpasok sa trabaho.
Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, kung mabibigyan ng insentibo ang mga nagbibisikleta papasok ng trabaho ay maaaring ma-convert ng gobyerno ang publiko sa paggamit ng bisikleta sa araw- araw na byahe kahit pa matapos na ang pandemya at bamalik na sa normal ang lahat.
Aniya, sa ganitong paraan din ay masosolusyunan ng pamahalaan ang polusyon at trapiko na dalawa sa pinakamalaking problema sa bansa.
Inirekomenda ni Ong na bigyan ng tax perks o food vouchers ang mga tinatawag ngayon na ‘bike-to-work’ Pinoys.
Tiyak aniyang mas pipiliin ng mga Pilipino na magbisikleta sa halip na magmotorsiklo o sumakay ng public transportation papasok sa trabaho kung may insentibong ibibigay sa kanila bukod pa sa pagpapagawa ng mga “bicycle lane” para sa ligtas na pagbyahe.
Naniniwala ang mambabatas na kung gagawa ng paraan ang pamahalaan para makalikha ng “cycling culture” sa bansa ay makapagbibigay ito ng ‘long-term solution’ sa problema sa trapiko sa Metro Manila at mababawasan din ang gastos ng gobyerno sa health care, repair, maintenance at pollution control.