Hinihimok ni Deputy Speaker Marlyn Alonte ang Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Investments (BOI) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na magkaroon ng unified incentives para makumbinsi ang mga vaccine manufacturers para sa local production ng bakuna sa bansa.
Ayon sa kongresista, kung magkakaroon ng fiscal at non-fiscal incentives ang pamahalaan ay makakaengganyo ito ng local at foreign investors para sa pagkakaroon ng local production ng vaccine at maging test kits.
Sinabi pa ng kinatawan, hindi lang pang COVID-19 ang bakuna at test kits na maaaring i-manufacture locally o sa bansa ngunit maging ang para sa African Swine Fever (ASF) na malaki rin ang naging epekto sa kabuhayan ng ating mga kababayan.
Iminungkahi rin ng kinatawan na palakasin ang local production ng personal protective equipment (PPEs).
Maaari aniya itong pangunahan ng mga local chief executives’ kung saan ang kanilang mga nasasakupan din ang makikinabang.