Maaaring gamitin ng mga eskwelahan ang nakatakdang In-Service Training (INSET) period para magsagawa ng make-up classes para sa mga estudyante.
Batay sa adjusted school calendar para sa School Year (SY) 2020-2021, itinakda ng DepEd ang araw ng Biyernes, December 11 bilang huling araw ng klase para sa first grading period o first quarter.
Ang taunang INSET Week naman ay gaganapin mula December 14 at 19.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang mga paaralan sa mga lugar na nasuspinde dahil sa mga nagdaang mga bagyo ay pinapayagang gamitin ang isang linggong INSET period para sa make-up classes.
Sa INSET Week, walang klase ang mga estudyante dahil ang kanilang mga guro ay dadalo sa mga seminar, workshops, conferences at iba pang kaugnay na aktibidad.
Nilinaw ng DepEd na ang pagsasagawa ng make-up classes ay “optional” kung saan ang required contact days sa pagtuturo ay nananatiling sapat.
Maliban sa paggamit ng araw ng Sabado, ang mga eskwelahan ay maaaring magpatupad ng iba pang istratehiya kabilang ang pagpapahaba ng school hours tuwing weekdays.
Ang mga guro ay maaari ding magbigay ng karagdagang assignments o homeworks sa mga estudyante.