Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa nangyaring kaso ng robbery-holdup sa skyway kamakailan.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, makaraang maaresto ng National Capital Region Police Office ang dalawang suspek.
Ayon kay Fajardo, partikular sa mga tinututukan ay ang anggulong inside job dahil lumalabas na natiktikan ang mga dayuhang biktima na may bitbit na malaking halaga ng pera mula sa isang casino.
Base sa modus, iipitin ang sasakyan ng biktima sa skyway at bababa ng sasakyan na may bitbit na palakol para ipambasag sa sasakyan ng biktima.
Sa nasabing insidente, nakuha sa mga biktima ang perang nagkakahalaga ng P134-M na posibleng panalo ng mga ito sa casino.
Kamakalawa, nahuli sa bisa ng search warrant ang mga suspek na kinilalang sina Ando Sardoma sa Malate, Maynila at pinsan nito na si Joland Cabotaje na naaresto naman sa Cavite.