Cauayan City, Isabela- Kinokonsidera ng Cauayan City Police Station ang anggulo na ‘inside job’ sa nangyaring panghoholdap sa isang pawnshop sa Brgy. San Fermin partikular sa tabi ng pribadong pamilihan ng Cauayan City, Isabela na naganap pasado alas 11:00 ng umaga ngayong araw, Setyembre 5, 2021.
Sa inisyal na impormasyong nakuha ng 98.5 iFM Cauayan, tinitignan ng pulisya ang lahat ng anggulo sa panghoholdap sa Galaxy pawnshop na pagmamay-ari ni Ms. Marjorie Tan at isa na rito ang ‘inside job’ na kanilang tinututukan.
Kaugnay nito, pansamantala munang nasa kustodiya ng PNP Cauayan ang isa sa mga empleyado ng nasabing pawnshop habang isinasagawa ang malalimang pagsisiyasat.
Batay naman sa kuha ng CCTV camera ng nasabing pawnshop, pinasok ng isang armadong lalaki ang nasabing pawnshop dala ang isang malaking lalagyan habang ang mga babaeng empleyado ay umalis sa kanilang upuan at nagpagilid.
Mayroon namang security guard na naka duty sa nasabing araw subalit nagkataon lamang umano na umalis ito para bumili ng pagkain nang mangyari ang insidente.
Hindi pa matukoy kung magkano ang kabuuang halaga ng natangay na pera at alahas ng pinaghihinalaang suspek na lulan umano ng isang motorsiklo.
Samantala, sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa gwardiya ng katabing niloobang pawnshop na si Aldwin Laureta, kanyang sinabi na magkasama aniya sila ng gwardiya ng Galaxy pawnshop na si Jomar Mercado na bumili ng kanilang pananghalian.
Ayon pa kay Laureta, nasa 15 hanggang 20 minuto aniya ang kanilang itinagal sa pagbili ng pagkain at nang sila’y makabalik sa binabantayang pawnshop ay nagulat na lamang umano sila sa nalamang insidente.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa naturang insidente.