Walang dapat ikapangamba ang publiko hinggil sa napaulat na barilan sa lalawigan ng Quezon.
Ito ang pagtitiyak ni Quezon Police Provincial Office Director PCol. Ledon Monte kasabay ng pagsabing isolated case lamang ang insidente.
Sa report ni PCol. Monte sa Kampo Krame, sinabi nito na hindi dapat maalarma ang publiko sa nagdaang pamamaril dahil hindi ito konektado sa isa’t isa.
Gayunman, tiniyak ng opisyal na tututukan at bibigyang pansin nila ang mga nangyaring barilan sa lalawigan.
Katunayan, pinaigting ang pagpapatrolya sa lalawigan 24 oras at dinoble rin ang police visibility sa mga lugar na madalas pangyarihan ng krimen.
Kabilang din sa direktiba ni Monte ang pagbuo ng tracker teams na kinabibilangan ng trained police detectives na syang tututok sa bawat kaso para madali itong malutas.
Isa pa sa ginagawang intervention ng Quezon PPO ay ang pagkakaroon ng dragnet operation na isang sistematikong hakbang para hulihin ang isang suspek sa pamamagitan ng check-point operation tulad ng Oplan Sita.