Iniimbestigahan na rin ng Commission on Human Rights (CHR) ang insidente ng diskriminasyon sa isang ina at kanyang anak na may autism sa isang resort sa Cebu.
Noong nakaraang linggo pa nagsimulang mag-imbestiga ang CHR-Regional Office 7 kung saan binigyang-diin nito ang mandato ng opisina na protektahan ang karapatan ng vulnerable sectors kabilang ang children with special needs.
Bukod sa mandato ng CHR, ipinunto rin nito na signatory rin ang Pilipinas sa Convention on the Rights of the Child.
Una nang nagkasa ng imbestigasyon sa insidente ang Department of Tourism at Department of Justice.
Nag-ugat ang kontrobersya makaraang mag-viral ang Trip Advisor review na isinulat ng ina ng bata tungkol sa Plantation Bay Resort and Spa.
Sa naturang review, ikinuwento ng ina na pinagalitan sila ng mga lifeguards dahil sa paghihiyaw ng kanyang anak habang nasa tubig na ginagawa raw ng bata kapag ito ay masaya at excited.
Sinagot siya ng resident shareholder ng resort na si Manny Gonzales at inakusahang nagsisinungaling dahil hindi naman daw sintomas ng autism ang hindi makontrol na pagsigaw.
Kalauna’y humingi rin ng paumanhin si Gonzales sa mag-ina.