Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na paiimbestigahan nila ang ginawang pangha-harass umano ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang media.
Ito’y kaugnay sa ikinasang drug raid ng NBI Task Force on Illegal Drugs sa Roxas Blvd. sa Pasay City.
Sa isang panayam kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, aalamin niya ang nasabing insidente, kasabay ng pangakong imbestigasyon.
Nabatid na sa nasabing drug raid, ilang media ang umano’y pinipilit na papirmahin sa operation report para maging testigo.
Nang tumanggi ang mga media minura, minaliit at binastos sila ng mga umano’y ahente ng NBI.
May isang media na kinunan pa ng larawan ng isang NBI agent ang kaniyang company ID.
Umaasa naman ang samahan ng mga media na gagawin ni Sec. Remulla ang binitawan nitong salita para mapanagot ang ginawang kabastusan ng ilang tauhan ng NBI.