Pinaiimbestigahan ni Senator Jinggoy Estrada ang insidente ng pananambang sa apat na sundalo sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong Marso 17.
Sa Senate Resolution 984 ay hiniling ni Estrada sa Senado na atasan ang nararapat na komite na gamitin ang oversight function ng Kongreso na suriin ang pagganap ng militar at mga ahensyang nagpapatupad ng batas para sa pagpapanatili ng kaayusan ng bansa.
Layon ng pagsisiyasat na suriin ang kasalukuyang estado ng seguridad at kaayusan sa Mindanao region.
Sinabi ni Estrada, Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, na sa kabila ng paglalaan ng pondo ng gobyerno para solusyunan ang ugat ng rebelyon at karahasang gawa ng mga extremist groups ay nananatili pa rin ang banta sa seguridad at katiwasayan sa rehiyon.
Tinukoy ng mambabatas na mayroon ngayon na mga bago at naglilitawan na grupo na siyang nagiging hamon ngayon sa ating pambansang seguridad.
Dagdag ni Estrada, dapat masiguro sa publiko na ang militar at ang mga tagapagpatupad ng batas ay kontrolado ang sitwasyon sa gitna na rin ng banta ng pagpapatuloy ng mga pag-atake.