Isang insidente ng panloloob at umano’y tangkang pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagsusunog sa sarili ang bumulabog sa mga residente sa Barangay Pogo, Mangaldan, Pangasinan, na kasalukuyang iniimbestigahan ng kapulisan.
Sa panayam ng IFM Dagupan sa kinatawan ng barangay, noong Linggo ng umaga, nabulabog ang ilang tirahan nang sapilitang pumasok ang isang lalaki na residente rin ng lugar.
Sa ulat ng may-ari ng isa sa mga bahay na nilooban, binuhusan umano ng gasolina ng lalaki ang sarili at binuksan ang gasul sa kanyang tahanan.
Ilang gamit ang napinsala, kabilang ang sako-sakong palay at TV, na tinataya pa ang halaga.
Dahil dito, nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente ang pangyayari at agad na ipinaalam sa mga awtoridad.
Matapos ang tinatayang isang oras na komosyon, nadakip ang lalaki at dinala sa ospital upang suriin at bigyan ng paunang lunas.
Hinihinala ng ilang residente na dulot ito ng malubhang stress na ilang araw na umanong naobserbahan sa lalaki.
Ayon sa kapulisan, sangkot ang lalaki sa mga kasong Malicious Mischief at Trespass to Dwelling, bagamat patuloy pa rin ang imbestigasyon.
Bilang tugon, nagsagawa ng follow-up dialogue ang Mangaldan Municipal Police Station kasama ang Punong Barangay upang mabigyang linaw ang pangyayari.
Samantala, nagbigay abiso ang barangay sa mga residente ukol sa kaligtasan at seguridad sa nasasakupan.






