Dismayado si Comelec Chairman George Erwin Garcia sa insidente ng vote buying sa isang bodega sa Navotas City, kung saan 200 katao ang naaresto.
Giit ni Garcia, hindi nila palalagpasin at agad na aaksyunan ng Comelec ang ganitong insidente.
Pagtitiyak pa ni Garcia, sususpendihin nila ang proklamasyon ng kandidatong nasa likod ng naturang vote buying, sakaling manalo ito sa halalan.
Nakakagalit aniya para sa Comelec ang ganitong pangyayari dahil sa kabila ng kanilang mga paalala ay marami pa rin ang namimili ng boto.
Samantala, inaasahan naman ng Comelec na magiging talamak pa sa susunod na araw ang bentahan ng boto.
Dahil dito, hinimok ni Garcia ang publiko na agad na ireport sa website ng Comelec ang mga insidente ng vote buying sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.