Cauayan City – Patuloy ang ginagawang mahigpit na pag-iinspeksyon ng Cauayan City Police Station sa mga drainage canals sa lungsod ng Cauayan upang maiwasan ang posibleng pag-atake ng mga magnanakaw sa pamamagitan ng tunneling.
Sa naging panayam ng IFM News Team sa hepe ng Cauayan City Police Station na si Police Lieutenant Colonel Ernesto Nebalasca Jr., regular nilang isinasagawa ang Project Enhanced Searches inside E-Canals and Undergrounds against Bank Attack o E-SCUBA upang masiguro na hindi sila masasalisihan ng mga magnanakaw.
Aniya, katuwang ang Cauayan City Fire Station at LGU Cauayan, kanilang sinusuri ang loob ng mga drainage canals partikular na ang mga kanal na maaring pasukin ng tao at ang mga nasa malapit sa mga bangko, pawnshops, at iba pang financial establishments.
Maliban dito, regular din nilang binibisita ang mga establisyimento sa lungsod upang magbigay paalala sa mga employado partikular ang mga nagbabantay kaugnay sa mga senyales ng tunneling katulad na lamang ng mga maririnig na ingay sa ilalim ng lupa o di kaya ay malapit sakanila lalo na tuwing gabi.
Ayon kay PLTCOL Nebalasca, iniingatan nila na hindi mangyari dito sa lungsod ng Cauayan ang nangyari kamakailan sa Tuguegarao City at sa Lungsod ng Santiago kung saan nakapagtala ng nakawan sa pamamagitan ng underground tunneling.