Sa susunod na buwan na gaganapin ang pagtatalaga kay Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo bilang bagong Vicar Apostolic ng Taytay sa Palawan.
Ito ang inanunsiyo ng tagapangasiwa ng Apostolic Vicariate of Taytay na si Fr. Rey Aguanta kung saan sisimulan na rin aniya ang paghahanda para sa pagdating ng kanilang bagong obispo.
Posibleng idaos ang installation ni Bishop Pabillo sa Agosto 19 sa St. Joseph the Worker Cathedral.
Hunyo 29 nang inanunsyo ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang bagong misyon ni Bishop Pabillo sa diocese na 2018 pa bakante.
Samantala, sa ngayon ay apat na diocese sa bansa ang nanatiling “sede vacante” o walang nakaupong obispo.
Kabilang dito ang Diocese of Alaminos, Apostolic Vicariate of San Jose Mindoro, Apostolic Vicariate of Calapan at Archdiocese of Capiz kung saan nanggaling si Jose Cardinal Advincula na bagong arsobispo ng Maynila.