Inilatag ni Senator Sonny Angara ang ilang mga “long-term solutions” para tugunan ang mga problema ng civil aviation sa bansa.
Kabilang sa mga institutional reforms na inirekomenda ng senador ay ang pagpapalakas ng husto sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon kay Angara, habang naghahanda ang Senado sa imbestigasyon ng nangyaring “system glitch” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Bagong Taon, kailangang pagtuunang pansin muna ang dalawang mahahalagang isyu, ang accountability at pagtiyak na ang mga mahahalagang sistema at institusyon ay may kapasidad at kapangyarihan na maghanda at tumugon sa mga biglaang pangyayari gaano man ito kadalang o kabihirang mangyari.
Binigyang-diin ni Angara na ang nangyaring aberya noong Enero 1 ay dapat na magsilbing “wake-up call” para tugunan ang mga gaps o agwat sa ating air transport systems.
Ito aniya ang dahilan kaya mahigpit ang pangangailangan sa mga reporma para maibigay ng ahensya ang mga kinakailangang kasangkapan para epektibong maipatupad ang mandato.
Kasabay nito ay pinamamadali ni Angara ang Senate Bill 1003 na layong palakasin ang CAAP bilang bahagi na matiyak ang ligtas, maaasahan at epektibong air transport sa bansa.