Pasado na rin sa Senado ang panukala na nag-i-institutionalize sa Shared Service Facilities (SSF) project ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Sa botong 22 na pabor at walang namang pagtutol, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2021 na layong amyendahan ang Magna Carta for Small Enterprises.
Sa ilalim ng panukala, isasabatas na ang implementasyon ng SSF program na unang ipinatupad noong 2013.
Dito ay magtatatag ng SSF Fab Labs sa bawat probinsya at prayoridad na malagyan ng laboratoryo ang mga lalawigan na wala nito.
Ayon kay Senator Sonny Angara, sa tulong ng SSF ang mga MSMEs ay makakagamit ng mga makinarya at mga kagamitan na kakailanganin para sa pagpapahusay ng kanilang produksyon, proseso at overall competitiveness.
Ang naturang programa ang inaasahang tutugon sa mga hamon na kinakaharap ng mga maliliit na negosyo gaya ng limitadong financial capacity, poor market information at kakulangan ng access sa mga makabagong techniques at mga teknolohiya.