Institutions at foundations, hinikayat na direktang ibigay sa mga atleta ang financial support at huwag nang idaan sa PATAFA

Hinimok ni Philippine Basketball Association (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles ang mga private institutions at foundations na direktang ibigay na lamang sa mga atleta ang kanilang mga pinansyal na suporta.

Ang apela ng kongresista sa mga institusyon at mga foundation na tumutulong sa mga atleta ay bunsod na rin ng hindi pagkakasama ng star pole vaulter na si EJ Obiena sa World Indoor Championships (WIC) dahil sa kawalan ng endorsement mula sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).

Partikular na hinikayat ng kongresista ang mga government institutions na Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ihinto na ang pagbibigay suporta sa PATAFA.


Bukod dito ay pinapahinto ni Nograles ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbibigay ng pondo sa PATAFA at sa halip ay ibigay na lamang ito direkta sa mga atleta.

Paliwanag ng mambabatas, ang ginawang aksyon ng PATAFA ay nagpapakita na hindi ito para sa “best interest” ng Philippine sports.

Mababatid na inakusahan ng PATAFA si Obiena ng “falsification of documents” kaugnay sa mga gastos, at umano’y delayed na pagbabayad ng sweldo sa kanyang coach na mariin namang pinabulaanan ng atleta.

Facebook Comments