Walang pananagutan ang insurance company, na kinuha ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa nangyaring trahedya ng pagtaob ng bangkang Princess Aya sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Atty. Darren de Jesus, President at CEO ng Milestone Guaranty and Assurance Corp., na pagdating sa reimbursement at pagbabayad ng insurance ay hindi ito sasagutin ng kompanya dahil sa mga nakitang paglabag ng may-ari ng bangka tulad ng overloading at kawalan ng lisensya ng boat na hindi pasok sa kanilang policy.
Sinabi pa ni De Jesus, na umapela ang MARINA sa kanilang kompanya pero base sa records at sa kanilang ginawang review ay hindi maikakailang may violations talaga sa nangyaring insidente.
Magkagayunman, nagbigay pa rin ng financial assistance ang insurance company sa pamilya ng mga biktima at sa mga survivors bilang humanitarian consideration.
Aniya, para sa mga pamilya ng mga nasawi ay ₱10,000 ang tulong pinansyal na ipinaabot, habang sa mga survivors ay ₱5,000 naman na tulong ang pinagkaloob.
Kung wala sanang paglabag ay buo sanang matatanggap ng mga biktima ang ₱200,000 na insurance.
Pinuri naman ni Senator Raffy Tulfo, ang makataong ginawa ng insurance company subalit nababahala naman si Public Services Committee Chair Senator Grace Poe dahil ngayon ang tanging maaasahan ng mga pamilya at survivors ng trahedya ay ang mga sariling insurance na batid namang hindi lahat ng pasahero ay mayroon nito.