Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, bukod sa temporary employment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/ Displaced Workers o TUPAD, ilulunsad din ng ahensya ang DOLE Integrated Livelihood Assistance na layong matulungan ang mga residente na makabalik sa normal nilang pamumuhay.
“Nauna ang intervention ng DSWD yung tinatawag na cash-for-work. Base sa ugnayan namin ni Secretary Rex Gatchalian, sila ang mangunguna na magkaloob ng cash-for-work sa loob ng 90 araw,” pahayag ni Laguesma sa interview ng DZXL.
“Meron din kaming DOLE Integrated Livelihood Assistance. Hindi lang hihinto doon sa pagbibigay ng temporary na tulong, titingnan kung paano makakagabay upang makabalik sana sila sa normal na pamumuhay,” saad pa niya.
Nakapaglaan na ang DOLE ng inisyal na 120 million pesos para sa mga nasabing programa.
Bukod diyan, magkakaloob din ang DOLE ng skills training program katuwang ang TESDA.
“Meron din kaming nakaantabay na skills training program. Related ito doon sa construction, food processing, organic farming among others, ‘no. At meron na pong 11 municipalities sa MIMAROPA, na-identify na po kung anong klaseng training ang ipagkakaloob sa kanila ng ating Techinal Education and Skills Development Authority,” ani kalihim.