Manila, Philippines – Iginiit ni senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Malacañang na isapubliko ang intelligence reports na basehan ng hirit na pagpapalawig ng martial law sa buong Mindanao hanggang December 31.
Katwiran ni Recto, karapatan ng publiko na malaman ang nabanggit na mga impormasyon basta’t hindi ito magdedetalye ng operasyon at magpapahamak sa tropa ng pamahalaan.
Ayon kay Recto, marapat lang na mailahad din sa publiko ang mga impormasyon na ipinaalam sa 24 senador at halos 300 congressmen.
Paliwanag ni Recto, ang mga dokumento at detalye na ibinigay sa kanila ng mga security officials sa isang closed door briefing ay hindi naman ganoon ka-delikado kaya pwede rin itong i-share sa taumbayan.
Idinagdag pa ni Recto na magandang maging bukas sa tamang impormasyon ang mamamayan para alam at mapaghandaan nila ang naka-ambang panganib.