Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian na bubusisiin niya ang intelligence funds ng mga law enforcement agencies ng bansa sa pagsalang ng mga ito sa pagdinig ng 2025 budget.
Kaugnay na rin ito ng bigong intel dahilan kaya nakatakas ng Pilipinas si Guo Hua Ping o dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang iba pang mga kasabwat nito nang hindi man lang nade-detect ng mga awtoridad.
Ayon kay Gatchalian, talagang may pagkukulang ang mga law enforcement agencies pagdating sa intelligence matapos makatakas ang mga Guo sa bansa.
Dahil dito, siniguro ng mambabatas na hihimayin niya ng husto ang intelligence funds ng mga ahensya kung saan aalamin niya pano ito ginastos at pano sila bumubuo ng epektibong intelligence network.
Ipinunto pa ng mambabatas na nagkaroon man ng sabwatan o kapalpakan sa ating intelligence, dapat aniyang may mapanagot sa kabiguang ito lalo’t malayang nakakalipat-lipat ng ibang lugar at nakasakay sa pantalan sina Alice Guo.