Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang presensya sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal.
Ito ay makaraang mapaulat kamakailan na may mga armadong grupo ang namataan sa lugar.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Energy and Natural Resources (DENR) maging sa Local Government Unit (LGU) ng Tanay.
Ani Azurin, iniimbestigahan na rin ang report ng umano’y harassment at assault sa isa sa mga caretakers ng Masungi Georeserve.
Kanina, nagkasa ng inspeksyon sina Interior Secretary Benjamin Abalos at PNP Chief Azurin sa naturang lugar.
Binigyang diin ni Abalos na hindi maaaring basta-basta na lamang magpadala ng armadong grupo rito dahil mayroon itong nagpapatuloy na land dispute issue kung saan kinakailangan muna nilang humingi ng permiso sa Pambansang Pulisya.
Dahil dito, 24 oras na police visibility ang ipatutupad ng PNP sa nasabing protected area.