Kinalampag ni Senator Joel Villanueva ang pamahalaan na magkaroon ng inter-agency coordination ng mga ahensiya upang mabigyang solusyon ang lumalalang sitwasyon ng baha sa bansa.
Pinuna ng senador ang tila hindi naman maramdaman na ₱1.4 billion kada araw na ginagastos ng pamahalaan para sa flood control programs at taon-taon ay lumalaki ang ginagastos ng gobyerno para solusyunan ang baha.
Kailangan na aniya ng inter-agency coordination ng iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa isang whole-of-government approach na magbibigay solusyon sa baha sa bansa.
Pinatutukan din ng senador ang problema sa waste management na malaking dahilan din sa paglala ng sitwasyon.
Dagdag pa ni Villanueva, kung may dapat mang busisiin ang Kongreso, ito ay kung akma at kung ginagawa ba talaga ang mga rekomendasyon ng milyon-milyong halaga ng feasibility studies at kung epektibo rin ba ang mga disenyo na ipinatutupad ng gobyerno.









