Sinimulan na ang tinatawag na Inter-Agency Meeting ng ilang departamento at tanggapan ng pamahalaan sa isyu ng Oil Spill sa Oriental Mindoro.
Ikinakasa ito sa mismong tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ni Justice Usec. Raul Vasquez.
Dumalo sa nasabing pulong sina DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of National Defense (DND) OIC Carlito Galvez, Philippine Coast Guard (PCG) Admiral Artemio Abu, Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Usec. Ignatius Rodriguez, ilang tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Health (DOH).
Bukod dito, dumalo rin si MARINA Administrator Atty. Hernani Fabia na isa sa mga importanteng opisyal na kinakailangan ng pahayag.
Sa pahayag ni Fabia, una na nilang sinuspinde ang operasyon ng kumpaniya na nagmamay-ari ng MT Princess Empress kabilang dalawang tanker pa nito at isang passenger vessels.
Aabot naman sa P471,000 kada araw ang maaring kaharapin na administrative fine ng kompanya ng lumubog na tanker.
Ito ay ayon sa kinatawan ng DENR na dumadalo sa oil spill response inter-agency meeting sa DOJ.
Maglalabas din ang DENR ng notice of violation sa kompanya na nagmamay-ari ng nasabing lumubog na tanker.
Sa kasalukuyan, tuloy pa rin ang isinasagawang Inter-Agency Meeting kung saan una ng sinabi ni Remulla na nais niyang mapag-usapan dito ang nararapat na hakbang upang masolusyunan ang problema.