Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, magpupulong para pagpasyahan ang pagdedeklara ng travel restrictions sa ibang mga bansang may kaso ng Covid-19

Muling magdaraos ng pulong ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases bukas (March 3) para pag-usapan at pagdesisyunan kung magdedeklara ba ng travel restrictions sa iba pang mga bansang may mga kaso ng Corona Virus Disease o Covid-19.

Ayon kay Department of Health o DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, inaasahang dadalo sa pulong ang mga high-level officials upang talakayin ang usapin ng travel restrictions gaya sa Japan.

Pero nilinaw ni Vergeire na hindi sini-single-out o tinitingnan lamang ang Japan dahil may ibang bansa rin na marami nang kumpirmadong kaso ng Covid-19.


Nauna nang sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles na bukod sa Japan, pagpapasyahan ng inter-agency task force kung dapat din bang magkaroon ng travel restrictions sa Italy at Iran.

Sa kasalukuyan, may umiiral nang travel ban sa China na pinagmulan ng Covid-19, habang partial travel ban naman sa South Korea na may higit 3,000 kaso ng sakit.

Samantala, sinabi ni Vergeire na patuloy na kumakalap ng mga update ang DOH hinggil sa mga Pilipino sa ibang mga bansa na nagpositibo sa Covid-19.

Base sa huling datos, aabot sa 86 na mga Pinoy sa abroad ang tinamaan ng Covid-19 kung saan 80 ay naitala sa Japan, dalawa sa United Arab Emirates, dalawa rin sa Hong Kong at dalawa sa Singapore.

Facebook Comments