Kasunod ng pag-sabog ng Bulkang Taal ay inihain ni Senador Francis Tolentino ang Senate Bill No. 1272 o Disaster Risk Reduction and Management Framework Act.
Pangunahing itinatakda ng panukala ang regular na pagsasagawa ng inter-Local Government Units o LGU joint disaster drills upang mas mapalakas ang coordinated na paghahanda at pagresponde ng mga ito sa mga kalamidad.
Layunin ng inter-LGU joint disaster drills, na makabuo ng response mechanism na kapapalooban ng paghahanap at pag-tayo ng permanenteng evacuation center, safe refuge zone, evacuation routes at assembly points.
Pakay din ng panukala na magbigay ng evacuation transport at accommodation para sa tao at mga alagang hayop na maaapektuhan ng mga kalamidad.
Nakasaad din sa panukala na bibigyan ng kapangyarihan ang LGUs na iokupa o gamitin ang pribado o komersiyal na gusali bilang evacuation center o safe zone.
Ayon kay Tolentino, sa kasalukuyang framework ay hindi kasama ang comprehensive action plan para sa lgus kaugnay sa evacuation at post-recovery operations.