Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamahalaan na unahin ang makabubuti para sa bayan matapos na mabilis na makalusot kamakailan sa Kamara ang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Aniya, sakaling may maghain na ng counterpart bill nito sa Senado at matalakay, kanyang igigiit na unahin ang interes at kabutihan ng mga Pilipino.
Kung makapasa man ito sa Mataas na Kapulungan, dapat na tiyakin na ang sovereign wealth fund ay mapapangasiwaan ng mga mapagkakatiwalaan, maaasahan at competent na mga manager o indibidwal.
Mahalagang matiyak din ng Senado na walang masasayang na pera kahit na piso o sentimo mula sa Maharlika Fund.
Pinatitiyak din ni Go na anumang perang papasok at lalabas sa Maharlika Wealth Fund (MWF) ay maayos na ma-a-account at ma-o-audit kung saan ginastos at masiguro na maibabalik ang kita ng gobyerno at mapapakinabangan ng ating mga mahihirap na kababayan.