Binigyang diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang kahalagahan ng biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Germany at Czech Republic sa pagsusulong ng interes ng bansa sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Romualdez, inaasahang igigiit ni Pangulong Marcos sa kanyang pulong sa lider ng Germany at Czech Republic ang pagpapalakas ng relasyon ng mga ito sa Pilipinas at ang pagtaguyod sa pangangailangan ng rules-based international order.
Binanggit ni Romualdez na nakatakdang pagtibayin ang Joint Declaration of Intent on Strengthening Maritime Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Germany.
Sabi ni Romualdez, ang Czech Republic at Germany ay kabilang sa 16 na bansa mula Europa na naglabas ng pahayag noong Hulyo 2023 na sumusuporta sa Pilipinas sa paggiit ng soberanya nito sa WPS bilang pagkilala sa 2016 Arbitral Ruling na inilabas ng The Hague.
Bukod dito ay tiwala din si Romualdez na nabanggit na pagbisita ni Pangulong Marcos ay tiyak magbibigay-daan sa pagpapalakas ng kalakalan at ng ekonomiya para sa kapaki-pakinabang na trade at investment opportunities.